MENU

by Heherson Valdez


 photo 6104907201219595090 w

IN PHOTO (from left to right): Dr. Annabelle V. Briones, Director of Industrial Technology Development Institute (ITDI); Atty. Lucieden G. Raz, Deputy Director of Food and Nutrition Research Institute (FNRI); Engr. Maria Teresa Bien De Guzman, Assistant Secretary for Countryside Development of DOST; Dr. Teodoro Gatchalian, Undersecretary for Special Concerns of DOST; Atty. Marion Ivy D. Decena, Director of Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI); Dr. Napoleon K. Juanillo, Jr., Assistant Secretary for Technology Transfer, Communications, and Commercialization, along with DOST-TAPI partners and supported innovators.

“Sumisilip na ang liwanag, hudyat ng paglalayag…” Sa pagpasok ng himig na ito mula sa opisyal na awitin ng Lunduyan, malinaw ang isinasalaysay: may bagong kabanata na namang binubuksan para sa mga pinoy inventors, innovators, technopreneurs, at katuwang na institusyon ng bansa.  At sa pagdiriwang noong Nobyembre 7, 2025 sa Alabang, Muntinlupa City, matagumpay na ginunita ng Department of Science and Technology -Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) ang Lunduyan 2025, ang taunang pagtitipong muling naglaan ng pagkakataon para sa pagkilala, pag-uugnay, at pagbibigay-halaga sa mga teknolohiyang Pilipino.

Lunduyan Bilang Tagpuan ng Ugnayan at Paglikha

photo 6104907201219595091 w

Ngayong taon, tampok ang dalawampu’t-apat (24) na aprubadong proyekto para sa taong 2025 at apat (4) na matagumpay na proyektong unang itinanghal sa Lunduyan noong 2024.  Sa kabuuan, ang dalawampu't walong (28) teknolohiyang ipinamalas ay nagpapatunay ng lumalawak na kakayahan ng Filipino innovators at ng patuloy na paggabay ng DOST-TAPI sa kanilang paglalakbay, mula sa pagbuo ng ideya, paggawa ng prototype, pagsusuri, hanggang sa pagsulong sa merkado.  Ang Lunduyan ay nabuo bilang isang sentrong nagsisilbing tagpuan ng iba’t ibang sektor, industriya, at adbokasiya.  Sa bawat taong pagdaraos nito, mas tumitibay ang layunin nitong lumikha ng puwang kung saan maaaring makilala, maipakilala, at  mapagtibay ang mga proyektong may kakayahang baguhin ang buhay, kabuhayan, at kinabukasan ng komunidad. Bilang pangunahing ahensya sa ilalim ng DOST para sa commercialization support, ang DOST-TAPI ang gumagabay sa mga teknolohiyang Pilipino upang makatawid mula laboratoryo patungong lipunan.  Sa pamamagitan ng kanilang mga inisyatibo, inilalapit nila ang agham at inobasyon sa merkado bilang tugon  sa pangangailangan ng bawat mamamayan.

photo 6104907201219595093 w

Sa kanyang pambungad na mensahe, ibinahagi ni Atty. Marion Ivy D. Decena, Director ng DOST-TAPI, na ang Lunduyan ay hindi lamang pagtatanghal ng mga proyektong matagumpay na naisakatuparan, kundi isang patunay na nagtatagpo ang agham, teknolohiya, at pangarap upang makabuo ng mga solusyong tunay na makabuluhan. Binigyang-diin niya kung papaano nakakatulong ang DOST-TAPI sa mga Filipino innovator sa pamamagitan ng mga programang tulad ng Grants and Assistance to Leverage Innovations for National Growth o GALING Program, Technology Innovation for Commercialization o  TECHNiCOM Program, at Expanded Venture Financing Program o EVFP ay nagiging gabay ng paglalakbay tungo sa commercialization. “Mula sa ideation, prototyping hanggang commercialization, kayo ay patunay na kapag pinagsama-sama ang siyensya, dedikasyon, at suporta, walang imposible,” banggit pa ni Director Decena.

Naki-isa rin sa pagdiriwang si Asec. Napoleon K. Juanillo, Jr., DOST Assistant Secretary for Technology Transfer, Communications, and Commercialization, na naghatid ng mensahe sa ngalan ni DOST Secretary Renato U. Solidum, Jr. Ipinahayag niya na ang Lunduyan ay isang larawan ng kapangyarihan ng pagkakabuklod-buklod at pagtutulungan at ng tibay ng loob ng mga Pilipinong innovator.  Sa kanyang talumpati, binigyang diin niya ang pag-angat ng bansa sa Global Innovation Index 2025 mula Rank 53 tungo sa Rank 50 at kung paanong ang mga inisyatibo ng DOST-TAPI ay may malaking ambag dito. Aniya, ang mga kwento ng tagumpay sa Lunduyan ay hindi lamang kwento ng teknolohiya, kundi kwento ng pag-asa at pag-unlad na kayang marating ng sambayanang Pilipino sa tulong ng agham at inobasyon.

Mga Kuwento ng Tagumpay at Pag-usbong

photo 6104907201219595095 w

Isa sa mga itinampok na kwento ng tagumpay ngayong taon ang DOON Transport Technologies Inc., proponent ng TECHNiCOM Program, na patuloy na lumalawak bilang pioneer ng peer-to-peer car-sharing sa bansa. Mula sa simpleng ideya tungkol sa hindi pantay na access sa mobility, nakamit nila ang 6x increase sa angel funding, mahigit 5,000 verified users, 700 na sasakyang naka-register, at operasyon sa higit 90 lungsod sa buong Pilipinas. Sa mga salitang binitawan ni Miguel Locsin, co-founder ng DOON: “The breakthrough came when DOST-TAPI believed in our mission. Their support didn’t just fund us, it validated us.” Dahil sa tulong ng TAPI, nakapagpatibay sila ng legal groundwork at nakapagsagawa ng pag-aaral na makatutulong para sa pagbuo ng mga patakaran tungkol sa car-sharing sa bansa.

photo 6104907201219595096 w

Kasama rin sa mga kinilala  si Alvin Phoebe Artemis Valdez, founder ng Farmesto Technologies Inc., proponent ng GALING Program, na nagpaunlad ng AI-based dosing system para sa greenhouse operations.  Ayon kay Valdez, ang kanilang inobasyon ay nabuo mula sa pagnanais na tugunan ang paulit-ulit na hamon sa agrikultura tulad inefficiency, unpredictability, at kakulangan sa data-driven insights. Sa tulong ng GALING Program, na-enhance nila ang kanilang prototype at nagkaroon ng access sa mga tools at network na kailangan upang maipakilala ang teknolohiya sa merkado. Sa kanyang talumpati, binigyang-diin niya na “Ang tunay na inobasyon ay hindi lamang technical novelty, kundi ang kakayahang lutasin ang tunay na problema ng magsasaka.”

photo 6104907201219595100 w

Hindi rin nagpahuli ang FASI Form System sa ilalim ng Innovation and Technology Lending Program o ii-TECH Lending Program.  Mula sa pangarap noong dekada ‘70 na lumikha ng mas matibay at reusable panel forms kapalit ng plywood, ipinamalas ni Frederick Erum kung paano nagiging solusyon ang teknolohiya sa mga hamon ng industriya ng konstruksyon. Sa tulong ng i-TECH Loan, napanatili nila ang buffer stock at naipatupad ang rental system upang mas mabilis na tugunan ang pangangailangan ng mga contractor. Ayon kay Erum, “Napakahalaga ng tulong ng gobyerno. It gives inventors like us the confidence to keep building solutions for the country.”

Isang Simula at Pagtatagpo sa Susunod na Yugto

Sa kabuuan ng pagdiriwang, hindi lamang mga teknolohiya ang ipinakita kundi ang mga mukha, boses, at pangarap na bumubuo sa innovation ecosystem ng Pilipinas.  Ang seremonya ng parangal para sa mga 2025 Invention and Innovation Champions, ang pagpapakilala sa mga bagong inisyatiba, at ang paglagda sa MOU kasama ang AHG Lab at Philippine Manufacturing Co. of Murata, Inc. ay nagsisilbing patunay na lumalawak ang komunidad na kumikilala sa agham at teknolohiya bilang sa pangunahing haligi tungo sa kaunlaran ng bansa.

Sa pagtatapos ng programa, muling umalingawngaw ang mga linya ng awitin: “Ang tadhana’y luukit na ng mga palad mo, ipapakita ang pagiging malikhain mo…” At sa pagbalik-tanaw ng lahat sa mga inobasyong nakita at mga kuwentong narinig, naging malinaw na ang Lunduyan ay hindi isang destinasyon, ito ay pinanggagalingan ng susunod na yugto.

Isang tagpuan kung saan nagsisimula ang panibagong paglalakbay.
Isang sentro kung saan nagtatagpo ang agham, talino, at pag-asa.
Isang paalala na ang inobasyon ay patuloy na nabubuhay sa bawat Pilipinong handang mangarap at kumilos.

Sa pagtatapos ng pagtitipon, iisa malinaw na mensahe ang iniwan sa bawat dumalo:
Magtatagpo tayong muli. Magtatagpo sa Lunduyan.

Lunduyan serves as the annual culminating event of DOST-TAPI, highlighting approved invention and innovation projects that embody the nation’s scientific and technological progress. Symbolizing the convergence of diverse sectors, industries, and advocacies, Lunduyan celebrates the collective journey toward a more connected and empowered society through science, technology, and innovation.

The Department of Science and Technology - Technology Application and Promotion Institute (DOST-TAPI) is among the DOST’s service agencies tasked to promote technology commercialization and innovation support services, created under the Executive Order No.128 on 30 January 1987. 

For more information about DOST-TAPI’s programs and services, you may email This email address is being protected from spambots. You need JavaScript enabled to view it., call (02) 8582 1450, or visit the official DOST-TAPI Facebook page at https://www.facebook.com/DOST.TAPI.